Mga senador, umaasang lalabas ang buong katotohanan sa Mamasapano re-investigation
Layon ng mga senador na ilabas ang katotohanan sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa Mamasapano incident, gaano man ito kasakit o nakadidismaya.
Sa January 27 na ang reinvestigation sa pagkamatay ng 44 Special Action Force commandos sa Mamasapano, Maguindanao, mag-iisang taon na ang nakalilipas, alinsunod na rin sa kahilingan ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile.
Ikinatuwa ni Sen. Grace Poe, chairman ng senate committee on public order and dangerous drugs, ang pagpapa-unlak ng Malacañang sa kanilang imbitasyon na dumalo sa imbestigasyon ang ilang opisyal ng administrasyon.
Ang mga inimbitahan sa imbestigasyon ay sina Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., Defense Secretary Voltaire Gazmin, dating Interior Secretary Mar Roxas at Philippine National Police Director General Ricardo Marquez.
Dahil dito, inaasahan ni Poe na ang kooperasyon ng mga opisyal ng administrasyon ay makatutulong na magkaroon ng pag-usad sa mga usaping tatalakayin para sa kaalaman na rin ng publiko at ng mga naiwang pamilya ng SAF 44.
Ayon naman kay Sen. Chiz Escudero, iisa lang naman ang kagustuhan nilang lahat, at iyon ay lumabas ang katotohanan.
Sang-ayon naman si Sen. Serge Osmeña III sa re-investigation at sinabing kung hindi nila ito papayagan, iisipin ng mga tao na mayroon silang itinatagong impormasyon.
Isa namang magandang senyales ang kooperasyon ng Palasyo sa imbetigasyong ito ayon kay Sen. Vicente Sotto III, at naniniwala siyang hindi kailangan mag-inhibit ni Poe sa pagdinig dahil tiwala siyang magiging patas ito bilang chairman ng kumiteng tatalakay dito.
Matatandaang nagbigay na ng go-signal si Pangulong Aquino na payagan nang dumalo ang mga opisyal na inimbitahan sa imbestigasyon, sa ngalan na rin ng “transparency and public accountability.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.