Sampung Partylist Reps, ‘deemed resigned’ na dapat-Belmonte
Hindi bababa sa sampung Partylist representatives ang posibleng maalis sa listahan ng miyembro ng Mababang Kapulungan.
Ito’y kung susundin ang Section 15 ng Republic Act 7941 na nagsasabing ang sinumang partylist representative na naghain ng COC o certificate of candidacy sa ilalim ng ibang sectoral o political affiliation, anim na buwan bago ang halalan, ang considered resigned.
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr., kabilang na rito si Gabriela PL Rep. Luz Ilagan, na kinukwestyon ngayon ang pagiging House of Representatives Electoral Tribunal o HRET member matapos na naghain ng COC bilang Davao councilor sa ilalim ng ibang partido.
Sinabi ni Belmonte na inatasan na niya si House Minority Leader Ronaldo Zamora na maghanap na ng ibang kongresusta na papalit sa pwesto ni Ilagan sa HRET.
Pero ayon kay Belmonte, hindi lamang si Ilagan ang maaaring maalis sa pagiging mambabatas dahil mayroon pang iba na may kahalintulad na sitwasyon.
Ibig sabihin, maliban kay Ilagan ay covered din ang ibang mambabatas sa ruling sa probisyon ukol sa partylist.
Dahil dito, susulat si Belmonte sa Commission on Elections o Comelec para humingi ng listahan ng mga kongresista na naghain ng COC para sa ibang position.
Maliban pa rito ang kopya ng proclamation ng ibang nominado kung kailangang palitan ang kasalukuyang mga nakaupong kinatawan ng iba’t ibang grupo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.