Ebidensya at hindi impluwensya mula sa sinuman ang pinagbatayan ng Office of the Ombudsman sa inilabas nitong panibagong suspension order laban kay Makati City Mayor Junjun Binay.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio – Morales, matitibay ang nakita nilang ebidensya laban sa mga respondents sa kasong may kaugnayan sa kontrobersyal na Makati Science High School at hindi naman pwedeng walang gawin o hindi ito aksyunan ng Ombudsman.
“Napakalakas ng evidence against the respondents, so anong gagawin namin? Tutulala? Matatakot kami? No way!,” ayon kay Morales.
Hinamon din ni Morales ang kampo ni Binay na magsampa ng impeachment case laban sa kaniya kung sa tingin nito ay mali ang mga hakbang ng Ombudsman sa kaniyang kaso.
Sinabi ni Morales na hindi siya kailanman nagpaimpluwensya o nagpa-pressure sa sinuman sa mga kasong hawak ng Ombudsman.
“Tell me if I have abused my authority! I have always decided cases in accordance with the law and evidences. Hindi pwedeng mape-pressure ka, walang pressure! Ask the President bakit hindi niya ko pine-pressure? If you feel that I am impeachable because I have done wrong, do it, file a case against me!,” dagdag pa ni Morales.
Hindi naitago ni Morales ang pagkainis dahil lagi na lang aniyang iniuugnay sa pulitika ang mga nagiging desisyon ng Ombudsman sa mga hawak nilang kaso.
Paliwanag ni Morales, nagkataon lang na ang suspension order kay Mayor Binay ay nasabay halos sa pagbibitiw sa gabinete ng ama niya na si Vice President Jejomar Binay.
“Nabubwisit na talaga ako! Everytime I file a case sinasabi ninyo politically motivated. I am apolitical wala akong pinapanigan!,” sinabi pa ni Morales.
Ayon kay Morales, “healthy development” ang kusang pagbaba sa pwesto ng nakababatang Binay, pero nakalulungkot aniya na nangyari ito matapos na magkaroon na ng kaguluhan at sakitan sa pagitan ng mga tagasuporta ng mga Binay at ng mga pulis./ Dona Dominguez-Cargullo / Erwin Aguilon