Umano’y “Hells Angels” gang member, naharang sa NAIA
Naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Australian national na hinihinalang miyembro ng international motorcycle gang.
Ayon kay Grifton Medina, hepe ng BI port operations division, nakilala ang dayuhan na si Daniel Anthony Stalley, 37-anyos.
Naharang si Stalley sa NAIA Terminal 2 noong November 25 sa Philippine Airlines flight mula sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sinabi ni Medina na hinarang ang dayuhan matapos ialerto ng mga otoridad mula sa Australia ang pagdating nito sa Pilipinas.
“Information about him and his affiliations were included in our database. This prompted our offices to immediately exclude him and book him on the first available flight to his port of origin,” ani Medina.
Ayon naman kay Atty. Rommel Tacorda, hepe ng BI-Interpol, si Stalley ay miyemrbo ng “Hells Angels” gang na konektado sa mga krimen at violent activities sa ilang bansa.
“Our counterparts informed us that Stalley and other gang members were involved in illegal activities, including assault, weapons possession, resisting arrest, and disorderly conduct,” ani Tacorda.
Paliwanag pa ni Tacorda, dahil sa pagiging miyembro umano ng isang gang, mapanganib si Stalley sa kaligtasan ng publiko sa Pilipinas.
Maraming pulis at international intelligence agencies ang nagsasabi na isa ang Hells Angels sa tinatawag na “big four” motorcycle gangs, kabilang ang Pagans, Outlaws at Bandidos na notoryus sa mga krimen at violent activities.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.