Col. Ferdinand Marcelino, kailangang patunayang ‘legit’ ang kanyang operasyon

By Den Macaranas January 21, 2016 - 05:35 PM

Marcelino1
Kuha ni Ruel Perez

Nanindigan ang pamunuan ng Philippine National Police – Anti Illegal Drugs Group (PNP-AIDG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na mahihirapan si Marine Lt. Col. Ferdinand Marcelino na ilusot ang kanyang sarili makaraan siyang maaresto sa isang drug raid sa Maynila.

Kasamang naaresto ni Marcelino ang suspected drug lord na si Yan Yi Shou alyas “Randy” sa isang pinaniniwalaang shabu laboratory sa Sta. Cruz Maynila kaninang madaling-araw.

Sinabi ni Marcelino na ‘legit’ ang kanyang pakay sa lugar at siya’y gumagawa ng surveillance sa mga pinaniniwalaang nasa likod ng mga sindikato ng droga bagay na hindi pinaniwalaan ng mga otoridad.

Kanina ay sinabi ng tagapagsalita ng Philippine Navy na ang kasalukuyang pwesto sa Philippine Marines ni Marcelino ay Superintendent ng Navy Officer Candidate School at wala itong kinalaman sa paniniktik ng mga sindikato ng droga sa bansa.

Taong 2008 unang pumutok sa madla ang pangalan ng noo’y Major pa lamang ng Philippine Marines na si Marcelino.

Kinuha ni dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director-General Dionisio Santiago ang serbisyo ni Marcelino para pamunuan ang Special Enforcement Services ng ahensya.

Buwan ng Setyembre taong 2008, nahuli sa isang drug operation ng grupo ni Marcelino ang mga miyembro ng “Alabang Boys” na sina Richard Brodette, Jorge Tecson at Jorge Joseph na galing sa mga kilala at mayayamang pamilya.

Ang nasabing mga suspek ay matagal na isinailalim sa surveillance ng PDEA bago ang naturang operasyon sa mismong loob ng Ayala Alabang.

Hindi naging madali ang pagsasampa ng kaso sa nasabing mga suspects dahil sa lawak ng impluwensiya ng kanilang pamilya.

Umabot ang usapin sa Malacañang at Senado dahil sa ginawang pagbasura ng piskalya sa mga kasong isinampa ng PDEA sa grupo.

Mismong si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nag-utos ng re-investigation ng kaso kung saan ay nasibak pa sa kanyang puwesto si dating Chief State Prosecutor Jovencito Zunio dahil sa pagkampi sa kanyang mga tauhan na sina State Prosecutors John Resado at Philip Kimpo.

Umugong din ang balita na nagkaroon ng bayaran ng suhol kaya hindi umusad sa Department of Justice ang kaso laban sa Alabang Boys maliban na lamang nang pumasok sa eksena ang Malacañang.

Taong 2009 ay hinamon ni Marcelino ang mga opisyal ng DOJ na inaakusahan ng bribery na magbitiw sa puwesto at iyun ay kanya ring ginawa nang iwan niya ang pwesto sa PDEA.

Nang taon din iyun bumalik sa Philippine Marines si Marcelino kung saan siya’y naitalaga sa ilang mga lalawigan sa Mindanao.

Hindi doon natigil ang pagiging drug buster ng opisyal at nagpatuloy ito hanggang siya’y maitalaga sa Military Intelligence Group (MIG) sa ilalim ng Intelligence Service, Armed Forces of the Philippines (ISAFP).

Buwan ng Oktubre taong 2012, pinalaya ng korte ang mga tinaguriang “Alabang Boys” dahil sa sinasabing technicalities sa kaso.

Taong 2013 din ng hikayatin siya ng ilang grupo na tumakbo bilang Senador pero ito’y kanyang tinanggihan.

Sa isang panayam, sinabi ni Marcelino na magpapatuloy ang kanyang advocacy laban sa iligal na droga.

TAGS: AIDG, Alabang Boys, Marcelino, PDEA, PNP, AIDG, Alabang Boys, Marcelino, PDEA, PNP

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.