Ang mensahe ng bawat sayaw, awitin, parada at tunay na kaligayahan ay pasok na pasok sa maraming nanood na mga kababayan natin sa loob at labas ng Philippine Arena.
Napakaganda ng pag-awit ni Lani Misalucha ng “Lupang Hinirang”, at maraming mga kabataan, millennials ang nagising sa mensahe ng awiting “Manila” ng Hotdog band sa parada ng ating mga atleta.
Nakakaiyak ang nagkakaisang damdamin at kasiyahan sa mga lirikong “Mga jeepney mong nagliliparan, mga babae mong naggagandahan, take me back in your arms, Manila, promise me you’ll never let go”.
Para bang ang Maynila ay Pilipinas at tayo’y naging isang bansa, magkakabuklod, nagmamahal sa ating sariling lahi.
Sa totoo lang, bihira kang makakita ng sitwasyon sa kasaysayan kung saan napakaraming Pilipino ang sabay-sabay napinagsisigawan ang kanilang pagmamahal sa sariling lahi.
Ito’y nangyari lahat dahil sa kakaibang “digital masterpiece” ng grupo ni Scott Givens, taga-Monterey California at dating VP ng Disney for entertainment.
Ang kanyang kumpanyang Five Currents Consortium ang lumikha ng matagumpay na opening ceremony tulad ng pamamahala nila sa London 2012 Olympics, 2014 Sochi winter Olympics, 2015 Baku European games, 2016 Rio de Janeiro Olympics at ang Jakarta Asian Games noong nakaraang taon.
World class at technology-driven (drone shots-visual displays) ang opening ceremony kung saan ipinakita ang tunay na kulturang Pilipino.
Itinampok ang musika, (mula kundiman hanggang OPM ), ibat ibang sayaw at ang pinakamagagaling nating Pinoy entertainers.
Tiyak na tiyak kong naglalaway ang mga production event organizers ng ABS-CBN, GMA 7 at TV 5 sa tinanggap nilang leksyon sa “live event production” na ito ng 14 time Emmy award winner na Five Percent Consortium.
Magmula sa Santacruzan na parada ng 11 nating beauty queens sa pangunguna ni 2015 Miss Universe Pia Wurtzbach at mga atleta ng iba’t ibang bansa, ang remote live broadcast sa fireworks display at pagsindi sa kontrobersyal pero makahulugang “cauldron” sa New Clark city ni Pambansang Kamao Sen. Manny Pacquiao, ang katutubong sayaw ng Ramon Obusan Folkloric group at mga student dancers ng iba’t ibang kolehiyo at unibersidad.
Pure brilliance at nakakapagbigay inspirasyon lahat sa bawat Pilipino.
Nakakaiyak ang iba’t ibang sayaw na nilikha pareho nina Huling El Bimbo Director Dexter Santos at veteran dancer Cherry Villanueva. Ang song medley ng mga super galing na singers na sina Christian Bautista, Aicelle Santos, Jed Madela, Elmo Magalona, KZ Tandingan, Inigo Pascual, TNT BOYS, Anna Fegi, Robert Seña at Apl de ap. Bongga rin ang pag-awit nila ng theme song ng 2019 SEA GAMES na “We Win
as One”. Ang mga musical arrangers na sina Nikko Rivero, Jimmy Antiporda at music producer na si Eloisa Matias ang namahala dito. Sina Veteran playwright Floy Quintos at National Artist for Music Ryan Cayabyab ang namahala naman sa likuran ng mga performances na ito.
Kung susuriin, kaabang-abang na ang darating na SEAG closing ceremonies sa December 11 na gaganapin sa New Clark city, Tarlac kung saan, 10,000 libreng tiket ang ipamimigay sa publiko.
Dahil sa grandyosong SEAG opening ceremonies, ngayon pa lang, mataas na mataas ang moral at damdaming bayan ng bawat Pilipino.