PNP: Pangingidnap ng puting van sa Metro Manila ‘fake news’

By Rhommel Balasbas December 03, 2019 - 05:07 AM

Tinawag na ‘fake news’ ng Philippine National Police (PNP) ang mga balitang kumakalat sa social media ukol sa umano’y panginidnap ng ilang kalalakihan sa Metro Manila gamit ang isang puting van.

Ayon kay PNP spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac, may CCTV man na ipinapakita ukol sa mga pagdukot ay wala itong basehan at hindi pa beripikado kung kailan at saan nangyari ang mga ito.

Payo ni Banac, huwag agad mag-post sa social media ukol sa mga insidente ng pandurukot at makipag-ugnayan muna sa pulisya.

Nagdudulot anya ang mga ito ng alarma at panic ng publiko at hintayin ang resulta ng imbestigasyon ng pulisya.

“This [report] has no basis and is not validated. Please do not upload [on social media] immediately. Do not spread it. Instead go to the nearest police station so we can validate the information,” ani Banac.

“We are appealing to social media users to avoid sharing or forwarding these kinds of posts so as not to cause undue public alarm and panic. Let’s wait for the result of the investigation of a task force validating the report,” dagdag ng police official.

Ayon kay Banac, ang nagpapakalat ng mga balitang lumilikha ng takot sa publiko ay lumalabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.

Una nang bumuo ng task force ang Pasay Police para imbestigahan ang pagkawala ng siyam na kabataan sa magkakahiwalay na insidente noong Nov. 20 hanggang 22.

Ang siyam ay binubuo ng walong lalaki at isang babae edad 15 hanggang 23.

Dahil sa pagkawala ng mga kabataan, ipinag-utos ng Pasay City government ang istriktong pagpapatupad ng curfew hours para sa mga menor de edad sa pagitan ng alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga.

Pero ayon kay Banac, hindi dapat pag-ugnay-ugnayin ang insidente ng pagkawala ng siyam dahil ang iba ay maaaring nagtatago lang o lumayas sa bahay.

Hindi pa nagbibigay ng update ang Pasay Police ukol sa imbestigasyon na ginagawa sa siyam na nawawala.

TAGS: Cybercrime Prevention Act of 2012, fake news, Kidnapping, Metro Manila, Philippine National Police, PNP spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac, Cybercrime Prevention Act of 2012, fake news, Kidnapping, Metro Manila, Philippine National Police, PNP spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.