Kaso ni Menorca kontra MPD inihahanda na

By Den Macaranas, Ruel Perez January 21, 2016 - 04:07 PM

Menorca
Inquirer file photo

Bago matapos ang linggong ito ay maghahain ng kontra-demanda ang kampo ng itinawalag na Iglesia ni Cristo (INC) minister na si Lowell Melorca laban sa ilang tauhan ng Manila Police District.

Nanindigan si Atty. Trixie Angeles, abogado ni Menorca na overkill ang ginawang paghuli sa kanyang kliyente dahil sa kasong libel.

Ipinaliwanag ni Angeles na mismong ang Supreme Court ang nagrekomenda para sa decriminalization ng kasong libel kung saan imbes na pagkakakulong ay multa na lamang ang parusa sa mga mapapatunayang guilty sa kaso.

Malinaw ayon sa abogado na may pagmamalabis ng pwersa na ginawa ang mga otoridad sa pangunguna ni Supt. Ed Leonardo ng MPD Station 10 na makikita sa viral video na naka-suot lamang ng short pants, T-shirt at tsinelas ng gawin ang pagdampot kay Menorca.

Nauna dito ay inamin na rin ni Leonardo na isa siyang miyembro ng INC.

Samantala, kinukunsidera na rin ngayon ng Philippine National Police (PNP) na tiyakin na hindi mababahiran ng anumang pagdududa ang mga magiging police operations sa mga susunod na pagkakataon.

Ayon kay CSupt Wilben Mayor, spokesman ng PNP, ito ay para mailayo ang kabuuan ng PNP sa mga paratang na ginagamit ang mga pulis para ma-harass ang itiniwalag na ministro ng Iglesia ni Cristo (INC) na si Lowell Menorca.

Depensa ng PNP, tactical strategy o desisyon umano ng mga operatiba nila kung paano huhulihin ang isang may warrant of arrest tulad ni Menorca na inaresto ng mga naka-sibilyan na pulis.

Pero giit ni Mayor, handa naman umano ang PNP na pag- usapan at kung kinakailangan ay baguhin ang anumang lapses o pagkakamali sa kanilang operational procedures.

Kahapon ay halos dalawang oras nagkaroon ng stand-off sa kanto ng Roxas Blvd at Quirino Ave. sa Maynila matapos lumitaw ang dalawang pulis na nakasibilyan, isa ang naka-short pants at isilbi ang warrant of arrest sa kasong libelo na isinampa laban kay Menorca sa Lanao del Norte.

TAGS: Angeles, Court of Appeal, manila, Menorca, PNP, Angeles, Court of Appeal, manila, Menorca, PNP

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.