Airline Passengers’ Rights Bill, malabong maging batas ngayong 16th Congress
Inamin ni House Transportation Committee Chairman Cesar Sarmiento na baka hindi maihabol ng Kamara ang pagpasa sa Airline Passengers’ Rights bill, bago magtapos ang 16th Congress.
Paliwanag ni Sarmiento, ibinalik kasi sa kanyang lupon ang Airline Passengers’ Rights bill kahit nakalusot na ito sa 2nd reading sa plenaryo.
Humirit aniya kasi si Abakada Party List Rep. Jonathan dela Cruz na ibalik sa committee level ang house bill dahil mayroon daw ilang bahagi ng final copy ng panukala ang hindi raw kasama sa aprubado ng lupon.
Bukod dito, sinabi ni Sarmiento na isang isyu pa rin ang quorum sa Mababang Kapulungan, at anim na araw na lamang ang nalalabing session days, kaya halos wala nang tsansa na mapagtibay ang Airline Passengers’ Rights Bill.
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal na ang overbooking ng airlines; habang kailangan magbigay ng 20 percent discount sa mga estudyante, at senior citizens; at 75 percent naman na refund ng pamasahe ang para sa mga pasahero na nagkansela ng flight.
Nasasaad pa sa house bill ang paglalaan ng airlines ng pagkain o food packs sa kanilang mga pasahero na apektado ng dalawang oras na delayed flights.
Ituturing na ring cancelled flight kapag ang isang biyahe ay delayed na ng tatlong oras, at dahil dito kailangan nang magbigay ang airlines ng hotel accomodation sa mga affected passengers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.