“You were warned.”
Ito ang naging pahayag ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga inarestong apat na miyembro ng Panday Sining National.
Inaresto ng Manila Police District (MPD) ang apat na miyembro ng youth group habang papauwi matapos ang ikinasang kilos-protesta para sa Bonifacio Day, araw ng Sabado.
Ang apat ang sinasabing nasa likod ng mga bandalismo sa bahagi ng Recto Avenue.
Sa Twitter, iginiit ng alkalde na nag-abiso na siya at nanawagang huwag nang ulitin ngunit inulit pa rin umano ng mga ito.
Sadya aniyang sinusubukan ng grupo kung mayroong batas at liderato sa lungsod.
“You were warned. Nag-abiso na ako. Nananawagan po ako na huwag ninyo nang ulitin. Inulit niyo pa rin. Sinusubukan niyo kung may batas at liderato sa Maynila,” ani Moreno.
Dahil dito, sinabi ng alkalde na kailangang harapin ng apat ang bisa ng batas.
“Kailangan niyo pong harapin ngayon ang bisa ng batas,” pahayag ni Moreno.
Dinala ang apat sa MPD General Assignment and Investigation Section para sa isinasagawang imbestigasyon.