‘Typhoon Kammuri’ posibleng pumasok na ng PAR mamayang gabi

Bahagya pang lumakas ang binabantayang Typhoon ‘Kammuri’ na inaasahang papasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa pagitan ng mamayang gabi hanggang Linggo ng umaga.

Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,315 kilometro Silangan ng Southern Luzon.

Taglay na nito ang lakas ng hanging aabot sa 150 km kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 185 km bawat oras.

Kumikilos ito pa-Kanluran sa bilis na 20 km kada oras.

Pagpasok ng PAR, ang bagyo ay pangangalanang ‘Tisoy’.

Ayon kay weather specialist Meno Mendoza, sa Bicol Region pa rin ito inaasahang magla-landfall at tatahakin ang Central Luzon.

Samantala, ngayong araw, magdadala ang northeast monsoon o Amihan ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley at mga lalawigan ng Aurora at Quezon.

Umiihip na rin ang Amihan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ngunit wala itong malaking epekto.

Sa Palawan, Visayas at Mindanao, asahan ang maalinsangang panahon na may posibilidad ng mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.

Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng:
– Batanes
– Cagayan kasama ang Babuyan Islands
– Isabela
– Aurora
– Ilocos Norte
– Ilocos Sur
– La Union
– Pangasinan
– eastern coast ng Quezon kasama ang Polillo Islands
– Camarines Norte
– Camarines Sur
– Catanduanes
– eastern coast ng Sorsogon
– northen coast ng northern Samar
– Eastern Samar
– Eastern coast ng Surigao del Norte
– Surigao del Sur
– Dinagat Island
– Siargao
– at Davao Oriental

Read more...