6 arestado sa pamameke ng Senior Citizen at PWD IDs sa Maynila
Timbog ang anim katao na namemeke ng senior citizen at persons with disabilities (PWD) ID sa Sta. Cruz, Maynila, Huwebes ng hapon.
Nagkasa ng entrapment operation ang Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMART) laban kina Rizaldy Sayana, Carlo Magno, Carlito Ibarra, Chris Alonzo, Joshua Flores at Angelica Aranda.
Ikinasa ang operasyon matapos makatanggap si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ng sumbong mula kay Manila Department of Social Welfare Director Re Fugoso ukol sa masamang gawain ng mga suspek.
Ayon kay Fugoso, kaliwa’t kanan ang pekeng ID na nakukumpiska nila kapag nagsasagawa ng data gathering activities para sa monthly allowance ng senior citizens at PWDs.
Positibong nakuha sa anim na suspek ang mga pekeng ID, dalawang computer sets at marked-money.
Mahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Articles 172 at 176 ng Revised Penal Code dahil sa ‘falsification of public documents at manufacture and possession of instruments’.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.