Duterte nagpatapon ng drug lords sa Manila Bay, Laguna de Bay, bangin sa Mountain Province
Ipinagtanggol ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang giyera kontra droga matapos ang mga kritisimo na target lamang nito ay small-time drug suspects at hindi ang mga drug lords.
Sa talumpati sa awarding ceremony para sa Presidential Award for Child-Friendly Municipalities and Cities sa Malacañang, sinabi ng pangulo na may ginawang aksyon laban sa drug lords.
Hindi lamang anya inanunsyo pero nagtapon umano ang gobyerno ng drug lords sa Manila Bay, Laguna de Bay at maging sa bangin sa Mountain Province.
Hamon ng pangulo sa mga kritiko, baka gusto rin nilang maipatapon.
“Itong mga idiotong kolumnista, wala daw nakuha. Hindi niyo lang alam. Baka hindi niyo alam ilan tinapon ko diyan sa Manila Bay,” ani Duterte.
“Mga yawa kayo. Baka gusto niyo pati kayo. Bakit? Nag announce ba kami drug lord si ano tinapon ko sa Laguna de Bay, ‘yung isa hinulog ko sa Mt. Province dun sa ravine? Do I have to advertise that? Ulol pala kayo,” dagdag ng pangulo.
Simula nang maupo sa pwesto, ang drug war ang sentro ng mga polisiya ng administrasyong Duterte.
Ayon sa datos ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), higit 5,500 indibidwal ang napatay sa police operations.
Pero sinasabi ng human rights groups na higit 27,000 indibidwal na ang nasawi sa drug war.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.