50 percent discount sa mga estudyante na manonood sa SEA games isinusulong ng Malakanyang
Hindi libre kundi nais ng Palasyo ng Malakanyang na mabigyan na lamang ng 50 percent discount ang mga estudyante na nagnanais na manood sa 30th Southeast Asian games na ginaganap ngayon sa bansa.
Tugon ito ng Palasyo sa panawagan ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas president Monico Puentevella na gawing libre na lamang ang ticket sa SEA games.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, maaari namang magbayad ng buo ang mga may trabaho na o may income.
Naiintindihan naman aniya ng Palasyo kung nais ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na magpabayad sa ticket.
“Unang-una kailangan din nila ng pera for maintenance. maraming kailangan ng pera eh. Eh kailangan siguro nga ng organization. Sila ang nagsasabi na kailangan nila,” ayon kay Panelo
Nabatid na nagkakahalaga ng P12,000 ang patron A na ticket sa opening ceremony ng SEA games sa Sabado, November 30 habang nasa P1,000 naman ang general admission.
Sa mga regular na laro, nagkakahalaga ang ticket sa P2,000 hanggang P50 lamang.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.