Tanggapan ng dating maintenance provider ng MRT-3 na BURI sinalakay dahil sa hindi pagre-remit ng SSS contribution ng mga empleyado
Sinalakay ng mga tauhan ng Social Security System (SSS) at Makati City Police ang tanggapan ng Busan Universal Rail Incorporated (BURI).
Ito ay dahil sa hindi pagre-remit ng BURI sa SSS contribution ng kanilang mga empleyado.
Ang BURI ay dating maintenance provider ng MRT – 3 noong panahon ng Aquino administration.
Ayon kay Berna Valentona-Inacay, pinuno ng SSS NCR-South Legal Department, aabot sa P22 Million na halaga ng SSS contribution ng 428 na empleyado ng BURI ang hindi nairemit mula taong 2016 hanggang September 2019.
Nabigo naman ang SSS at Makati Police na maisilbi ang warrant of arrest sa pitong board of directors ng BURI.
Ang una kasing tanggapan ng BURI na tinungo ng mga otoridad sa Salcedo Village, Makati City base sa address na nakasulat sa warrant of arrest ay bakante na.
Nang puntahan ang isa pang opisina kung saan umano lumipat ang BURI sa bahagi ng Washington Street ay wala ding inabutan ang mga opisyal ng SSS.
Kabilang sa nasa warrant of arrest ay sina Belinda Tan, Elizabeth Velasco, Eldonn Ferdinand Uy, Brian Velasco, Antonio Borromeo, Park Jong Tae, at Elpidio Silvestre Uy.
Ayon kay Inacay, patuloy na tutugisin ng pulisya ang mga opisyal ng BURI.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.