Court of Appeals pinagtibay ang desisyon na pumapabor sa mga nasibak na empleyado ng GMA Network Ibinasura
Ibinasura ng Court of Appeals ang apela ng GMA Channel 7 at ng CEO nito na si Felipe L. Gozon na baliktarin ang naunang desisyon na nagdedeklara bilang regular employees sa 101 mga kawani nito.
Sa promulgasyon noong November 25, 2019 na ipinalabas lamang nitong Huwebes, Nov. 28, 2019, ibinasura ng 14th Division ng CA ang motion for reconsideration ng GMA at CEO nito na si Gozon, sa pagsasabing hindi nakapagpresinta ang petitioners ng mga bagong argumento para pag-debatihan ng hukuman.
Pinanatili ng CA ang nauna nitong desisyon na tumukoy sa 101 na mga media workers ng GMA Network bilang mga regular na empleyado taliwas sa turing sa kanila ng kumpanya bilang mga “talents” lamang. Ginawang basehan ng Appellate court ang paulit-ulit at tuloy-tuloy na pag-renew sa kontrata ng mga empleyado na ang iba ay inabot pa ng sampung taon sa serbisyo.
Ang pasya ng CA noong Pebrero ay bilang pagkatig sa desisyon ng National Labor Relations Commission’s (NLRC) noong 2015 at 2016 na nagdedeklara sa mga empleyado bilang regular employees.
Noong 2017, nagdesisyon din ang NLRC na ang mga sinibak na mga manggagawa ay iligal na dinismissed sa kanilang trabaho. Sila ay ibinalik sa tungkulin ng GMA batay na rin sa utos ng komisyon.
Dahil dito, nag-organisa ang mga empleyado ng grupo at tinawag nila itong Talents Association of GMA o TAG. Sinibak ng network ang ilan sa kanila kung saan naging ugat ng asunto.
Ikinagalak naman ng TAG ang pinakahuling desisyon ng CA sa pagsasabing patunay lamang ito na hindi maipagkakaila na sila ay mga regular na empleyado ng GMA Netwok.
Sa statement araw ng huwebes, Nov. 28 sinabi ng TAG na kahit pa gamitin ng GMA ang lahat ng kanilang sandata at mga abugado ay magpapakita lamang ito na kung anong uri sila ng kumpanya sa kabila ng kanilang paninindigan na “people are our best assets”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.