Senate President Drilon at Sen. Escudero, nagpasaringan

Sumiklab ang ‘word war’ sa pagitan nina Senate President Franklin Drilon at Sen. Francis Escudero dahil sa resolusyon para i-override ang pag-veto ni Pangulong Benigno Aquino III sa panukalang P2,000 na Social Security System (SSS) pension hike.
Nagsimula ang lahat nang sabihin ni Escudero na may pinapaikot nang resolusyon sa mga senador para baliktarin ang veto ng pangulo sa nasabing panukala, ngunit kulang pa ito ng 16 na pirma para maaprubahan ng plenaryo.
Dahil dito, agad na inakusahan ni Drilon si Escudero ng pamumulitika at naglalayon lang umanong i-‘isolate’ si Pangulong Aquino sa pamamagitan ng nasabing pag-override.
Nagpasaring si Drilon na ang ganitong hakbang aniya ay halatang dinidiktahan ng pulitika lalo pa’t nalalapit na ang eleksyon.
Punto ni Drilon, hindi dapat sa Senado manggaling ang pag-override kundi sa Kamara.
Pero ang buwelta ni Escudero sa hiwalay na panayam, sa halip na mag-akusa ng pamumulitika, dapat ipaliwanag na lang ni Drilon kung bakit tila bigla siyang naging kontra sa panukalang una na niyang sinuportahan para maipasa sa Senado.
Dagdag pa ni Escudero, kung talagang ayaw niyang i-isolate ang Pangulo, bilang Senate President at ka-partido ng Pangulo ay ipinarating na agad ni Drilon sa Senado ang pananaw ng Pangulo hinggil sa panukala.
Kung alam lang aniya sana nila na ive-veto lang ito ng Pangulo, disin sana’y hindi na sila nag-aksaya ng pera, oras at panahon sa Senado para sa nasabing panukala.
Depensa niya, hindi sila ang nag-lagay kay Pangulong Aquino sa alanganin na sitwasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.