STS ‘Kammuri’ lumakas pa, trough ng bagyo nakakaapekto na sa Visayas, ilang bahagi ng Mindanao
Hindi pa man nakakapasok ng Philippine Area of Responsibility (PAR), nakakaapekto na ang trough o buntot ng Severe Tropical Storm ‘Kammuri’ sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon sa 4am weather update ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 1,510 kilometro Silangan ng Visayas.
Malapit na ito maging ‘Typhoon’ dahil taglay na nito lakas ng hanging aabot sa 110 km kada oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 135 km bawat oras.
Mabagal na ang kilos nito pa-Hilagang-Kanluran sa bilis na 10 km bawat oras.
Posibleng sa Linggo pa papasok ng PAR ang bagyo matapos bumagal ang kilos.
Hindi pa rin inaalis ng PAGASA ang posibilidad na tatama ang bagyo sa Eastern Luzon.
Magdadala ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat ang trough ng bagyo sa Visayas, Caraga, Northern Mindanao at Zamboanga Peninsula.
Maulap na kalangitan na may mahihinang pag-ulan ang mararanasans sa Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Bicol Region, at mga lalawigan ng Aurora at Quezon dahil sa northeast monsoon o Amihan.
Maalinsangang panahon naman ang asahan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa maliban na lamang sa mga panandaliang pag-ulan dulot ng localized thunderstorms.
Dahil sa ihip ng Amihan, nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng:
– Cagayan kasama ang Babuyan Islands
– Batanes
– Aurora
– Isabela
– Ilocos Norte
– Ilocos Sur
– La Union
– at Pangasinan
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.