Sa panayam ng media araw ng Miyerkules, pinag-iingat ni Health Secretary Francisco Duque III ang mga magulang matapos makitaan ng poliovirus ang mga kanal, estero, lagusan ng tubig at water treatment plants sa 25 lugar sa NCR at isa sa Davao City.
Batay sa pagsusuri ng DOH – Research Institute for Tropical Medicine at National Institute of Infectious Diseases ng Japan, type 1 at 2 ang uri ng poliovirus.
Mula July 1 hanggang November 26, 142 samples ang kinolekta mula sa NCR, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, CALABARZON, Davao Region, Soccsksargen at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Posible umanong nag-mutate na ang poliovirus.
Nanggagaling din kasi ang virus sa dumi ng mga bata at delikado ito sa mga hindi pa nabakunahan.
Dahil dito, muling hinikayat ni Duque at ng World Health Organization (WHO) na pabakunahan ng mga magulang ang kanilang mga anak edad 5 pababa.
Tiniyak ng DOH na ligtas at gamit na sa maraming bansa ang polio vaccine.
Kinakailangang 95 percent ng mga bata ang mabakunahan kontra polio para hindi na kumalat pa ang sakit.
Kasalukuyang umaarangkada ang ikatlong bugso ng mass vaccination drive sa Metro Manila at ikalawang bugso naman sa Mindanao at tatagal ito hanggang December 7.
Buwan ng Setyembre nang kumpirmahin ng DOH na muling nagbalik ang polio sa Pilipinas matapos ang 19 na taon.