1 patay, 3 sugatan sa karambola ng mga sasakyan sa Sariaya, Quezon

(UPDATE) Isa ang patay habang tatlo pa ang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa bayan ng Sariaya sa Quezon.

Nangyari ang aksidente sa Maharlika Highway sa Barangay Sto. Cristo alas 10:50 ng gabi ng Martes, Nov. 26.

Sangkot sa karambola ang dalawang kotse at isang van.

Sa mga larawang ibinahagi ng Sariaya Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, wasak na wasak ang dalawang kotse.

Naipit sa kaniyang sasakyan ang driver ng isa sa mga kotse.

Ayon kay Lt. Colonel William Angway Jr, Sariaya police chief, nakilala ang nasawi na si Pedro Mojica, isang retiradong government employee at residente ng Barangay Mangilag Sur, Candelaria, Quezon.

Sa inisyal na imbestigasyon, nag-overtake ang van na minamaneho ni Ariel Reyta sa isa pang sasakyan at tumama sa bumper ng kotse na minamaneho naman ng isang Kim Salubayba.

Nawalan ng kontrol sa kotse si Salubaybaya kaya napunta sa kabilang linya ang kotse at bumangga sa kotseng minamaneho ni Mojica.

Matinding pinsala ang natamo ni Mojica at nasawi ito habang dinadala sa Lucena United Doctors Hospital sa Lucena City.

Ayon kay Gian Pineda, isa sa mga rescuer mula sa Sariaya Disaster Risk Reduction Management Office, dinala nila si Salubayba at dalawang kasama nito sa ospital sa Candelaria.

Pero nadiskubre kalaunan na nawala ito at tumakas na. (END.DD)

Read more...