VP Robredo, walang malaking negatibong pasabog sa drug war ni Pangulong Duterte
Kumpiyansa ang Palasyo ng Malakanyang na walang malaking negatibong pasabog si Vice President Leni Robredo kaugnay sa drug war campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, kung mayroon mang nadiskubreng mali si Robredo, dapat ginawa niya ito noong nanunungkulan pa siya bilang co-chairman ng Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD) at hindi ngayong nasibak na sa puwesto.
Sinabi pa ni Panelo na hindi magandang histura ang ginagawa ni Robredo.
“Unang una, kung meron siyang natuklasan na masama, dapat immediately yun na ang nilabas niya kaagad. Ibig ba niyang sabihin nung andun siya sa loob ng administrasyon, kung ano man ang natuklasan niyang masama o illegal, hindi niya isisiwalat dahil nasa loob siya ng administrasyon? At ngayong lumabas na siya, saka lang niya ilalabas? Hindi yata maganda ang hitsura ng Bise Presidente kung ganun siya,” pahayag ni Panelo.
Malinaw kasi aniya na nagbabagong-puri lamang si Robredo dahil sa mga kapalkapakang ginawa bilang ICAD co-chairman.
Malinaw naman aniya na binuksan ng pamahalaan ang lahat ng impormasyon sa drug war kung kaya walang dapat na ikatakot ang administrasyon.
Sinabi pa ni Panelo na ang tanging nadiskubre ni Robredo ay ang kakulangan ng pondo ng ICAD kung kaya humirit pa ito ng dagdag na pondo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.