Mga isyu sa SEA Games, sinabing ‘isolated incidents’

Tinawag na ‘isolated incidents’ ng organizers ng 30th Southeast Asian (SEA) Games ang mga naging isyu sa transportasyon at hotel accomodations ng ilang foreign athletes.

Ang Century Park Hotel ay nagpalabas ng pahayag at sinegundahan na ang pagbabago sa schedule ng pagdating ng football teams ng Cambodia at Thailand ang dahilan kayat hindi agad nabigyan ng mga kuwarto ang mga atleta at coaching staff.

Ayon pa sa pamunuan ng hotel, ang mga player na ang tumanggi sa kanilang mga alok na mas komportableng matutulugan at nabigyan na rin sila ng mga kuwarto makalipas ang ilang oras.

Bagamat pinuna ang mga aberya, sinabi ng mga banyagang atleta na normal lang sa international sporting events ang mga aberya sa accomodations at transportasyon.

Sinabi ni Cambodia coach Felix Dalmas, hindi maganda ang kanilang naging karanasan ngunit nangyayari talaga ang mga aberya.

“It’s time to move on and just focus on the soccer,” ani Dalmas.

Nabatid na nakapagtala na ng 75 international arrivals ng mga kalahok sa torneo kasama na ang mga opisyal at kinatawan ng kanya-kanyang National Olympic Committees at wala naman naiulat na problema.

Marami sa kanila ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at may iba naman na lumapag sa Clark International Airport.

Read more...