Aberya sa SEA Games dapat isisi sa delay na pagpapalabas ng budget ayon sa organizers
Iginiit ni Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon Fernandez na hindi maiiwasan ang mga nangyayaring aberya at delays dahil sa isang malaking event ang SEA Games.
Paliwanag ni Fernandez, noong Agosto lamang din kasi naibigay ang budget para sa renovation ng mga venue ng sports event para sa SEA Games kaya noon lang din nasimulan ang renovation gaya halimbawa sa Rizal Stadium kung saan may ilang pagsasaayos pang ginagawa.
Kahit na si 1-Pacman Party List Rep. Mikee Romero na isa rin sa kalahok sa SEA Games ay una na ring sinabi na sa delay sa pagkakapasa sa budget dapat isisi ang mga nangyaring aberya at hindi sa mga organizer ng 30th South East Asian Games.
Giit ni Romero inabot ng lima hanggang anim na buwan ang nangyaring delay sa budget para sa SEA Games sa senado.
Kung noong Enero pa lang aniya ay naaprubahan na ang budget, tiyak na naiwasan ang mga aberya gaya ng napaulat na problema sa logistics at koordinasyon sa hotel.
Una ring humingi ng paumanhin ang mga organizer at tiniyak na gagawin nila ang lahat para maging matagumpay ang palaro.
Kasabay ng panawagan ng pagkakaisa dahil ang reputasyon ng Pilipinas ang nakasalalay rito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.