Panukala para bigyang proteksyon ang mga guro muling ihahain sa Kamara

Nais buhayin ni Deputy Majority Leader at Biñan Rep. Marlyn Alonte ang panukala na magbibigay proteksyon sa mga guro sa bansa.

Ayon kay Alonte, muli niyang ihahain ang Teachers’ Protection Act na nauna nang inihain noong 17th Congress pero hindi na nakaabot sa pagpirma ni Pangulong Duterte dahil sa kakapusan sa oras.

Dadagdagan ni Alonte ang panukala ng probisyon na magbibigay mandato sa Department of Education na bigyan ng libreng serbisyong ligal ang mga guro para maipagtanggol ang kanilang mga sarili lalo na sa mga pagkakataon na inihaharap ang kaso sa media.

Titiyakin din sa ihahaing panukala na dadaaan sa proseso at poprotektahan laban sa trial publicity ang estudyante at guro na nahaharap sa isang reklamo.

Ipinapasama din ni Alonte sa polisiya ng DepEd ang Media Relations at Crisis Communications Policy na may mga hakbang laban sa slander, defamation, libel, at cyber-bullying sa mga guro gayundin ang pagkakaroon ng pagsasanay sa mga school principals sa proper crisis management.

Hakbang ito ng mambabatas kasunod ng kaso ng isang guro na inireklamo at hiniling na tanggalan ng lisensya matapos na palabasin sa klase ang isang estudyante.

Read more...