Rep. Romero, ininsulto ang Senado – Drilon

Kuha ni Fritz Sales

Tinawag na malaking insulto ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang naging paninisi ni 1Pacman partylist Representative Mikee Romero sa Senado dahil sa mga aberya sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Ayon kay Drilon, walang basehan ang mga akusasyon ni Romero na ang pagkakaantala ng pagpasa ng 2019 budget sa Senado ang dahilan kayat may mga kapalpakan sa paghahanda sa SEA Games.

Balik ni Drilon, ang ‘illegal insertions’ ng P95.3 bilyon sa Kamara ang puno’t dulo ng hindi agad pagpasa ng taunang budget.

”Kung pinayagan po nating makalusot itong P95.3 billion pork barrel, kaya nitong punuin yung P50-million kaldero sa SEA Games,” sabi pa ng senador.

Dagdag pa ni Drilon, dahil sa kaniyang rekomendasyon kayat naipadala ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang 2019 national budget sa Malakanyang.

Kayat aniya, dapat tigilan na ni Romero ang pagbibigay ng mga iresponsableng pahayag.

Samantala, dumipensa din si Sen. Panfilo Lacson sa sinabi ni Romero.

Pagdidiin nito, nagsingit pa ang ilang kasamahan ni Romero sa Kamara sa national budget kahit na-plantsa na ito sa Bicameral Conference Committee at ito ang naging aberya sa pagpasa ng taunang pondo.

Read more...