3 Palengke sa Balintawak ipinasara na ng Quezon City government
Tuluyan nang ipinasara ng Quezon City government ang tatlong malalaking palengke sa Balintawak area dahil sa kanilang paglabag sa batas.
Base sa cease-and-desist order na inilabas ng Market Development and Administration Department (MDAD), bigo ang mga namamahala sa MC, Cloverleaf at Riverview II Market na kumuha ng sanitary permit, environmental clearances at fire safety inspection certificate.
Nauna na ring napatunayan na pawang mga walang building permit ang nasabing mga palengke na matagal nang nag-ooperate sa lungsod.
Sa kanilang ginawang inspeksyon ay nabisto rin na walang sewage treatment facilities at direktang itinatapon sa kalapit na ilog ang mga basurang nagmumula sa nasabing mga pamilihan.
Noong September 2015 ay nauna nang naglabas ng warning ang Mayor’s office laban sa nasabing mga palengke kung saan ay nangako ang mga namamahala dito na aayusin nila ang kanilang mga pagkukulang.
Subalit makalipas ang ilang buwan ay nagpatuloy pa rin ang operasyon ng MC, Cloverleaf at Riverview II markets nang hindi man lamang sumusunod sa mga ipinatutupad na batas sa lungsod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.