Sa botong 224 na yes, pitong no at isang abstain, lumusot ang House Bill 4664 o Real Property Valuation Reform Bill.
Layon ng panukala na i- harmonize ang real property valuation para sa taxation kung saan aalisin na sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagbibigay ng Schedule of Zonal Values.
Nakasaad din sa panukala ang pagkakaroon ng valuation standards para sa valuation ng real property.
Sa ilalim ng inaprubahang panukala, maglalaan ang pamahalaan ng P58 milyon para sa pagbuo ng Real Property Valuation Service sa ilalim ng Bureau of Local Government Finance sa taong 2020.
Magkakaroon din dito ng komprehensibo at updated na electronic database para sa lahat ng real property transactions.
Sinabi naman ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Sarte Salceda, pangunahing may-akda ng panukala na kapag ito ay naging batas, bibigyan ang Local Government Code ng kapangyarihan upang lumikha ng sariling pagkukunan ng kita at magpataw ng buwis at iba pang bayarin.
Magbibigay aniya ang panukala sa mga LGU upang maging self-reliant at maging katuwang ng national government sa mga pag-unlad.