“Ano bang kinatatakutan ninyo?”
Ito ang naging tanong ni Vice President Leni Robredo kasabay ng pagkakasibak sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang co-chairman ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Sa isang press conference, sa mahigit dalawang linggong panunungkulan sa posisyon, iginiit ni Robredo na hindi siya nag-aksaya ng panahon.
Agad aniya siyang nakipagpulong sa ICAD at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para bumuo ng aksyon kontra sa ilegal na droga sa bansa.
Maliban dito, nagkonsulta rin aniya siya sa iba pang mga sektor, local government units (LGUs) at bumisita sa mga rehabilitation center at komunidad.
Ngunit sa pagsisimula sa posisyon, sinabi ni Robredo na walang tigil ang pagbabatikos laban sa kaniya.
Kinuwestiyon din ng bise presidente kung pare-pareho ang layunin na pagsugpo sa ilegal na droga, bakit hindi na lamang magtulungan.
Tinanong din nito kung mayroon bang interes na mababangga o may kinatatakutang ipaalam sa taumbayan sa kaniyang pamumuno sa kampanya sa ilegal na droga.
Sinabi ni Robredo sa Punong Ehekutibo na hindi niya hiningi ang nasabing posisyon ngunit sineryoso aniya niya ito para sa taumbayan.
Dapat din aniyang alalahanin na hindi siya ang kalaban, lalo na ang taumbayan, kundi ang mga drug lord at iba pang sangkot sa ilegal na transaksyon nito.
Samantala, inilahad naman ni Robredo na magbibigay siya ng ulat sa bayan sa mga susunod na araw para ipaalam ang kaniyang mga natuklasan at maibibigay na rekomendasyon ukol dito.
Sa kabila ng pagkakasibak sa pwesto, hindi aniya matatanggal ang kaniyang determinasyon sa tungkuling maglingkod sa bansa.