Sa layong mapaigting ang kampanya kontra polio ng Department of Health (DOH), maglalagay na rin ng Patak Polio Corners sa mga piling outlet ng McDonalds sa Metro Manila at sa Mindanao kung saan naitala ang tatlong bagong kaso ng sakit na polio.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, ang pakikipag-partner sa McDonald’s ay isasakatuparan sa mga susunod na rounds ng rounds ng Synchronized Polio Vaccination sa National Capital Region at sa Rehiyong Mindanao mula sa Lunes, Nobyembre a-25 hanggang Disyembre 7 at sa Enero a-6 hanggang a-18 sa susunod na taon.
Sinabi ng kalihim na isasagawa rin ang polio immunization sa Bahay Bulilit Learning Centers ng McDonald’s kung saan ay tuturuan ang mga bata ng basic skills bilang paghahanda sa kanilang pagpasok sa mga eskuwelahan.
Sa kanyang panig, sinabi ni Kenneth Yang, ang president/CEO ng McDonald’s Philippines na batid nila ang kahalagahan ng papel ng food chain sa programa ng DOH lalo na at nagkaroon na ng outbreak ng sakit
Naniniwala aniya si Yang na ang pakikipagpartner nila sa DOH ay magbibigay sa kanila ng pagkakataon na makatulong sa pamahalaan na masugpo ang polio, na dito ay itinuturing na ang mga bata ang madaling mabiktima o mahawahan ng karamdaman.
Bahagi rin aniya ng prayoridad ng kumpanya ang kapakanan ng mga bata.
Labis naman ang pasasalamat ng kalihim kay Yang lalo na at lalawak ang vaccination sites na maaaring puntahan ng mga nanay at mga tagapag-alaga ng mga bata.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.