WATCH: Bagong bihis na Jones Bridge pinasinayaan na

Matapos ang dalawang buwang rehabilitasyon, pinasinayaan ni Manila Mayor Isko Moreno ang bagong bihis na Jones Bridge, Linggo ng gabi.

Ang 220-metrong makasaysayang tulay ay binigyang-buhay matapos lagyan ng Paris-inspired lampposts, pinturahan at tinanggalan ng alikabok.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Moreno na ang Jones Bridge ang larawan ng pag-unlad ng Lungsod ng Maynila.

“Ang tulay ng Jones Bridge ay nagpakita ng paglago ng Lungsod ng Maynila, nagsimula sa maliit dala ng komersyo na naganap sa ating bansa partikular sa Lungsod ng Maynila,” ani Moreno.

Ang Jones Bridge ay kilala bilang “Queen of Bridges” ng Maynila na dating tinatawag na Puente de España o Tulay ng España.

Pero pinalitan ang pangalan nito bilang pagkilala kay William Atkinson Jones, ang mambabatas na may-akda ng Philippine Autonomy Act of 1916 o Jones Law.

Masaya rin ang alkalde sa pagbabalik ng La Madre Filipina sa Jones Bridge.

Ang La Madre Filipina ay sikat na istatwa sa Jones Bridge.

Gayunman, nabomba ang tulay sa kasagsagan ng Battle of Manila noong panahon ng kolonyalisasyon ng Hapon kaya’t nasira ang mga ito.

Lubos ang pasasalamat ni Moreno kay Architect Jerry Acuzar at sa Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry na nagbigay ng P20 milyon para sa rehabilitasyon ng tulay.

Nagwakas ang inagurasyon kagabi sa pamamagitan ng engrandeng fireworks display.

Read more...