Panelo itinangging ‘diversion tactic’ ang pagsibak kay Robredo mula sa SEA Games controversies

Pinabulaanan ng Palasyo ng Malacañang ang mga haka-hakang sinibak si Vice President Leni Robredo para ilipat ang atensyon ng publiko mula sa mga isyu ng hosting ng Pilipinas sa 2019 Southeast Asian Games (SEAG).

Ito ay matapos magreklamo ang football teams mula Timor-Leste, Myanmar, Cambodia at Thailand dahil sa hindi maayos na transportation, accommodation at food arrangements.

Pero sa press briefing sa Busan, South Korea, Linggo ng gabi, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na hindi talaga maiiwasan ang mga pagkabalam, o mga insidente ng problema sa transportasyon at hindi agad pag-check-in dahil sa sobrang dami ng atletang paparating sa bansa.

“You cannot discount any delays, incidents of non-transport and late checking-in, giving the fact that there are many athletes coming to the Philippines. Natural lang ‘yon,” ayon kay Panelo.

Giit ng kalihim, ang pagkasibak kay Robredo ay bunsod ng kabiguang makapagpresenta kay Pangulong Rodrigo Duterte ng malinaw na mga plano at programa para sa war on drugs.

Ito ay kahit nakapagpasa na si Robredo ng dalawang ulat sa presidente at malapit na rin umanong ipasa ang ikatlo.

Aminado si Panelo na hindi pa nababasa ni Duterte ang mga ulat at rekomendasyon ni Robredo bago pa man desisyunang sibakin sa pwesto.

Giit ng kalihim, nagsumite lang ang bise presidente ng ulat nang magsabi na ang pangulo na hindi siya nagtitiwala rito.

“Nag-submit lang siya noong sinabi na ni Presidente na ‘Hindi ako nagtitiwala sayo,’” ani Panelo.

Read more...