“30th SEAG 2019, dapat suportahan, hindi batikusin” sa “WAG KANG PIKON!” ni Jake Maderazo
Ngayong Sabado na ang 30th Southeast Asian (SEA) Games pero maiinit pa rin ang mga pagpuna at kritisismo ng mga pulitiko.
Una tayong nag-host nito noong 1981 sa panahon ng martial law. Pinagawa ang ULTRA sa Pasig ang isang “football stadium at indoor arena”. Ikalawang pagkakataon noong 1991 sa panahon ni Tita Cory. Sobrang tipid ng lahat ng 28 sports events at idinaos lang sa Rizal Memorial Coliseum at sa Subic Bay para sa apat na event (triathlon, sailing, canoeing at archery). Taong 2005 nang huli tayong nag-host ng SEAG games sa panahon ni Dating Pres. Gloria Macapagal Arroyo kung saan umabot ng 443 ang events sa 40 sports. Dito, sinubukan ang pagdaraos ng ibang events sa Cebu, Bacolod,Cavite, Laguna at Pampanga.
Ngayon, ang pang-apat nating hosting ng “Olympic games ng 11 bansa sa Southeast asia. At siyempre, ang mata ng mundo ay nakabantay sa atin.
Kung susuriin, ang toka ng Pilipinas sa SEAG ay taong 2025 pa, pero noong 2015, umatras ang Brunei Darussalam sa pagdaraos ng 2019 games dahil sa kanilang umano’y “financial and logistical obligations”. Panahon iyon ni PNOY, at nagpahayag ang kanyang appointee na si Philippine Sports Commission Chairman Richard R. Garcia na, handa ang Pilipinas maghost ng SEAG 2019. Marahil sa tingin ni Chairman Garcia, mananalo ang kandidato nila ni Pnoy sa 2016 kayat inako ang binitiwan ng Brunei kahit ito’y di sigurado.
Ang kaso, si Duterte ang nanalo. At noong 2017, itinalaga niya si Senador Juan Miguel Zubiri na pangunahan ang “Phiippine Southeast Asian games Organizing committee” (PHISGOC)
Ayon kay Zubiri, panahon iyon ng Marawi siege, at nagpasya si Presidente na gamitin ang pondo ng SEAG sa rehabilitasyon.
Pero kinausap siya ni dating DFA Sec. Alan Peter Cayetano na nagmungkahing ituloy niya ang SEAG games kahit dalawang taon na lang ang preparasyon, at sa bandang huli ibinigay niya rito ang PHISGOC hanggang ngayon na house speaker na si Cayetano. Kaya naman, narito na tayo sa sitwasyong limang araw na lang at simula ng SEAG.
Maraming kontrobersya. Una, ang P55-M cauldron na likha ng creative artist na si Fransisco Bobby Manosa. Sabi ni Drilon, napakamahal na kaldero. Sabi naman ni Cayetano mas mahal ang kalderong ginamit ng Singapore. Sa totoo lang, mas mahal pa riyan ang mga bahay ng mga Senador at Congressman.
Sabi pa ni Drilon, meron daw inutang na P11-B ang BCDA para sa sports facilities sa New Clark city Sa Tarlac mula sa Malaysian company MT Capital BERHAD at ito’y babayaran sa loob ng 5 taon sa P2.2-B bawat taon. Sagot naman ni Cayetano, kaya itong bayaran ng BCDA, ang mahalaga ay nakatayo na ang mga world class sports facilities sa loob lamang ng 18 buwan.
Meron pang mga isyu sa umano’y hindi nababayarang “volunteers” at iba pa.
Kung susuriin, hindi talaga panahon ngayon ng sisihan at batikusan. Tayo ang host ng higit 9,840 na mga atleta kasama ng kanilang sports officials mula sa 11 karating bansa. At ang main venues ng pinakamalaking sports events na may pinakamaraming 56 sports ay ang ating Philippine Arena at new Clark city Athletic stadium, kasama ang 23 cities na pagdarausan din ng ibang events.
Malaking trabaho at karangalan ito. Sana huwag munang magsiraan!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.