Patay ang isang Islamic State (IS) liaison makaraang magkasagupa ang tropa ng pamahalaan at Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sulu, Biyernes ng umaga.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ng Joint Task Force Sulu ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nangyari ang engkwentro sa pagitan ng 1st Scout Ranger Battalion at teroristang grupo sa Barangay Tanim sa Patikul.
Kinilala ang nasawing ISIS liaison na si Talha Jumsah o alyas “Abu Talha.”
Ayon sa AFP, ikinokonsidera si Abu Talha bilang high-value target.
Sinabi pa ng militar na eksperto rin si Abu Talha sa paggawa ng improvised explosive devices at nagsilbi ring instructor sa ASG sa paggawa ng bomba.
Narekober ng 1101st Infantry Brigade ang bangkay si Abu Talha, Sabado ng umaga.
Ayon naman kay 1101st Brigade Commander Brid. Gen. Antonio Nafarrete, tiyak na bumaba ang moral ng ASG sa pagkasawi ni Abu Talha.
Hindi naman aniya magiging posible ang operasyon kung hindi sa tulong ng Tausug community na nag-ulat sa militar ukol sa presensiya ng armadong grupo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.