Sa talumpati sa launching ng isang hotel sa Davao City, Biyernes ng gabi, nangako ang pangulo na istriktong ipatutupad ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.
“This administration remains committed in enforcing measures that will provide a more conducive regulatory environment to encourage business development,” ayon sa pangulo.
Nagbabala ang pangulo sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno na mananamantala sa mga nais mamuhunan sa bansa.
Hinikayat ni Duterte ang mga negosyante na iulat ang anumang pang-aabuso ng mga taga-gobyerno.
Pinahintulutan din ang mga mamumuhunan na sampalin ang mga tiwaling nagtatangkang manggatas.
“Kaya sabi ko sa mga tao na, ‘Be assertive.’ If you are being milked or asked for something, tapos bayad ka na, sampalin mo, sabihin mo, ‘p***** i** ka. Bayad na ako niyan,'” ayon sa pangulo.
Ayon kay Duterte, hindi dapat matakot ang mga negosyante na magsumbong at bukas ang kanyang tanggapan sa Malacañang 24 oras.
“Huwag kayong matakot mag-report. Kung pupunta ka sa akin sa Malacañang at mag-complain ka, Malacañang is open 24 hours a day. Sabihin mo lang sa gwardya, ‘Gisingin mo si Duterte kasi niloko ako at hiningian ako.’ And I will call that official in your presence. Nananampal talaga ako at nagsisipa ako,” giit ng pangulo.
Magugunitang ang paglaban sa korapsyon sa burukrasya ang isa sa campaign promises ni Duterte noong 2016 presidential elections.