Teacher at magulang na nagreklamo sa isang radio show nagkaayos na

By Rhommel Balasbas November 23, 2019 - 06:09 AM

Nagkaayos na sina teacher Melita Limjuco at ang mga magulang na nagreklamo sa isang programa dahil sa umano’y ‘child abuse’ na nangyari sa kanilang anak.

Sa isang Facebook post, inanunsyo ni Atty. Joseph Noel M. Estrada na naayos ang gusot sa pagitan ng dalawang panig sa tulong ng isang supervisor ng Department of Education (DepEd).

Alang-alang umano sa bata ay tinanggap ni Limjuco ang ‘sorry’ ng mga magulang ng bata.

Una nang nag-alok si Estrada ng tulong sa guro matapos itong mapagkaitan ng due process dahil sa pag-ere nang ‘live’ sa programa ni Raffy Tulfo.

Nag-ugat ang reklamo matapos palabasin ni Limjuco sa silid-aralan ang estudyante dahil sa kabiguang maibalik ang kanyang report card.

Pero iginiit ni Limjuco na nais niya lamang disiplinahin ang bata at walang kahit anong intensyong ma-trauma ito.

Humingi rin si Limjuco ng tawad.

Gayunman, nais ng pamilya ng bata na maparusahan si Limjuco sa pamamagitan ng pagbawi sa kanyang lisensya.

Pinapili ni Tulfo si Limjuco kung nais ba nitong humarap sa isang child abuse case o kusa na lamang magbitiw sa kanyang trabaho.

Pinili ni Limjuco ang kusang pag-alis sa pagtuturo na kanyang propesyon sa loob ng 29 taon.

Hindi nagustuhan ng netizens ang naging pagtrato ng programa ni Tulfo sa guro at masyado umanong kalabisan ang hiling na ipabawi ang lisensya nito.

Sa katunayan ang unang episode ng programa ay nakakuha ng higit 280,000 dislikes sa YouTube dahil sa galit ng netizens.

Sa second episode, napagtanto ni Tulfo na kalabisan nga ang hiling na mapatanggal ang guro sa serbisyo at nangakong pag-aayusin na lang ang dalawang panig.

Samantala, sinabi ni Atty. Estrada na siniguro ng DepEd supervisor na maayos nilang tinutugunan ang isyu.

TAGS: Atty. Joseph Noel M. Estrada, Melita Limjuco, public school teacher, Raffy Tulfo, Atty. Joseph Noel M. Estrada, Melita Limjuco, public school teacher, Raffy Tulfo

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.