Call center agent inaresto habang nasa trabaho dahil sa pagpatay sa asawa at anak
Inaresto ang isang call center agent habang nasa trabaho sa Bonifacio Global City, Biyernes ng hapon dahil sa umano’y papel sa pagpatay sa kanyang asawa at anak sa Sta. Rosa, Laguna noong 2016.
Ayon kay Sta Rosa police chief Lt. Col. Eugene Orate, nakilala ang suspek na si Ricardo ‘Richard’ Sta. Ana.
Sinubukan pang pigilan ng mga katrabaho ni Sta. Ana ang pulisya sa pag-aresto ngunit nakipagtulungan din ito matapos maipakita ang arrest warrant laban sa suspek.
Naglabas ng warrant si Judge Gil Jude Sta. Maria Jr. ng Regional Trial Court Branch 102 ng Sta. Rosa laban kay Sta. Ana.
Nahaharap ang call center agent sa dalawang bilang ng parricide sa pagkamatay ng kanyang asawang si Pearl Helene, 29 anyos, at anak na si Denzel.
Nasa kanilang bahay lamang sa Brgy. Labas ang mag-ina nang patayin ng dalawang lalaki na nagpanggap na mag-aayos lang ng internet.
Ginahasa pa si Pearl Helene bago sila pagpupukpukin ng martilyo ng kanyang anak.
Ilang araw matapos ang krimen ay sumuko sa mga awtoridad si Ramoncito Gallo, isang tricycle driver.
Ayon kay Gallo, inutusan siya kasama ang isang Bryan na patayin si Pearl Helene bilang pagganti dahil sa umano’y pangagaliwa nito.
Una nang ibinasura ng Department of Justice (DOJ) noong August 2016 ang mga kaso laban kay Sta. Ana dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Pero ayon kay Orate, ang karagdagang testimonya na nagpapatibay sa mga pahayag ni Gallo ay dahilan para buhayin ang kaso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.