Matatandaang sa episode ng kanyang programang “Give Us This Day,” noong October 30, sinabi ni Quiboloy na sumigaw lamang siya ng ‘lindol, stop!’ ay huminto na ang pagyanig.
“Noong lumindol ng (magnitude) 6.6, nandoon ako kahapon, nandoon ako sa kwarto ko, sabi ko, ‘lindol, stop’ eh di, umi-stop. Tapos, pangalawa mga 11 siguro iyon, nandyan si Ingrid, nagsusulat ako, lumindol, sabi ko lang ‘stop’ eh di umi-stop din,” ani Quiboloy.
Dagdag pa ng pastor, dapat magpasalamat sa kanya ang taumbayan dahil kung hindi niya napahinto ang lindol ay baka mas malaki pa ang pinsala sa Mindanao at mas marami ang namatay.
“Pasalamat kayo sa akin, kasi kung hindi ko pina-stop ‘yon, marami kayong magigiba diyan, mamamatay kayo! Kaya’t pasalamat kayo at ako ang nagpa-stop ng lindol. Hindi ko sinabi ‘to ng walang witness ha. May witness marami, nakapalibot sa akin. Sinigawan ko yung lindol, nang gumanun na ang mga chandelier, ‘stop!’ sabi ko lang ‘stop’, umi-stop agad,” dagdag ni Quiboloy.
Sa talumpati naman sa launching ng isang hotel sa Davao City, Biyernes ng gabi, sinabi ni Pangulong Duterte na naniniwala siyang napahinto talaga ni Quiboloy ang lindol.
“I believed in Pastor Quiboloy. When he said stop eh kung nagstop eh di what’s the trouble?” ayon sa pangulo.
Sinabi pa ni Duterte na kung kanya lang nanaisin ay gusto niya ng kapangyarihang tulad ng kay Quiboloy.
Gagamitin niya umano ito laban sa mga kurakot na opisyal lalo’t hindi nadadaan ang mga ito sa pakiusapan.
“If I can only have the power doon sa mga kurakot na stop kasi alam mo dito ang Filipino di mo madala sa pakiusapan,” dagdag ng presidente.
Si Quiboloy ang leader ng ‘Kingdom of Jesus Christ, The Name Above Every Name’ kung saan ipinakikilala niya ang sarili bilang ‘Appointed Son of God’ at ‘Owner of the Universe’.