Greece hindi umabot sa cut-off ng IMF

Greece Bailout
AP photo

Lalong nabaon sa financial crisis ang bansang Greece nang mabigo silang bayaran sa takdang cut-off ang kanilang mga foreign creditors kabilang na ang International Monetary Fund.

Kahapon nagtapos ang palugit ng IMF para bayaran ng Greece ang 1.6Billion Euros ($1.87B) na bahagi ng kanilang pagkakautang.

Sinubukan pa ni Greek Prime Minister Alexis Tsipras na isalba ang problema sa pamamagitan ng European bailout pero bumagsak din ang negosasyon.

Target sana ng kanilang pamahalaan ang panibagong $32Billion fresh loan mula sa European Union para mapatakbo ng maayos ang kanilang ekonomiya pero hindi umusad ang naturang deal.

Sa mga nakalipas na araw ay napilitan ang ilang bangko sa Greece na limitahan lamang sa $67 ang daily ATM transaction para hindi masagad ang kanilang cash.

Dahil doon ay isinara na ng IMF ang kanilang pintuan para sa Greece at nanganganib din na maalis sa Euro zone ang naturang bansa.

Nangangahulugan ito na bibitiw na sa Euro currency ang Greece dahil sa naturang default.

Sa pagpasok pa lamang ng 2010 ay naramdaman na ang tinatawag na Greek Depression dahil sa mahinang galaw ng kanilang ekonomiya.

Mas pinalala pa ang problema dahil sa malaking fiscal imbalances sanhi ng mataas na budget deficit.

Hindi rin naging sapat ang mga ipinatupad na austerity measures ng kanilang pamahalaan dahil sa mataas na mga kaso ng tax evasion at corruption.

Sa kasalukuyan ay hindi na pinapayagan ang anumang uri ng bank transaction sa Greece lalo na ang paglalabas ng pera mula sa naturang bansa./ Den Macaranas

Read more...