Bagyong #SarahPH humina habang kumikilos pa-East China Sea, wala nang epekto sa bansa
- Bahagyang humina ang Severe Tropical Storm”Sarah” habang kumikilos patungong Southern Ryukyu Islands sa Japan.
Ayon sa 5am severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyo sa layong 345 kilometro Hilagang-Silangan ng Basco, Batanes.
Taglay na lang nito ang lakas ng hanging aabot sa 95 km bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 115 km kada oras.
Kumikilos ito pa-Hilaga sa bilis na 20 km bawat oras.
Sa ngayon wala nang lugar na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Warning Signals.
Hindi na magdadala pa ng malalakas na pag-ulan ang Bagyong Sarah at wala nang epekto sanmang bahagi ng bansa.
Pero makararanas pa rin ng bugso ng hangin sa Batanes at Babuyan Islands dahil naman sa northeast monsoon o Amihan.
Posibleng makalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyo mamayang gabi hanggang bukas ng umaga.
Ngayong araw, may mga pag-ulang mararanasan sa Aurora, ilang bahagi ng Central Luzon at CALABARZON dahil sa ‘convergence’ o salabungan ng mga hangin partikular ang Amihan at Easterlies.
Ang low pressure area (LPA) naman na dating Bagyong Ramon ay nasa bahagi ng West Philippine Sea at inaasahang matutunaw na anumang oras.
Samantala, nakataas ang gale warning at ipinagbabawal pa rin ang paglalayag sa mga baybaying dagat ng:
– Ilocos Norte
– Ilocos Sur
– La Union
– Pangasinan
– Cagayan
– Isabela
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.