Cayetano: P11B utang ng Pilipinas para sa SEA Games, hindi isyu

Kuha ni Fritz Sales

Iginiit ni Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee Foundation Inc. chair at House Speaker Alan Peter Cayetano na hindi isyu ang P11 bilyong utang ng Pilipinas para sa pagdaraos ng 30th Southeast Asian (SEA) Games.

Sa panayam ng media araw ng Huwebes, sinabi ni Cayetano na kung ginastusan man ng bansa o inutang ang pera para sa SEA Games ay wala dapat itong issue.

Giit ni Cayetano, ang SEA Games venues sa bansa ay pang-world-class at nagawa sa loob ng 18 buwan sa pamamagitan ng magagaling na arkitekto.

“Ang BCDA ang makakapag-paliwanag, pero whether binayaran na natin or inutang, walang issue ‘yan and aside from walang issue ‘yan, it’s world-class, nagawa ng 18 months by very good architects,” ani Cayetano.

Ang pahayag ni Cayetano ay matapos isiwalat ni Senate Minority Franklin Drilon na umutang ang Pilipinas ng P11 bilyon sa isang Malaysian firm para sa konstruksyon ng SEA Games facilities.

Binanatan naman ng House Speaker ang oposisyon at tinawag ang mga ito na ‘double standard’.

Ani Cayetano, kapag ang oposisyon ang may proyekto ay tama, pero kapag ang Duterte administration ang gumawa, lahat na lang ay mali.

“It’s double standard eh. ‘Pag sila gumawa, okay lang. Pero ‘pag ang gumawa Duterte administration, mali na lang,” giit ng opisyal.

Una nang nasadsad sa kontrobersiya ang P50 milyong ‘cauldron’ o kaldero sa New Clark City.

Read more...