Tinawag na ipokrito ni House Speaker Alan Peter Cayetano sina dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III at Senate Minority Leader Franklin Drilon kaugnay sa batikos sa gastos sa pagho-host ng 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon kay Cayetano, kung tutuusin ay malaki ng ‘di hamak ang P10 bilyong ginastos ng nakalipas na administrasyon para sa hosting ng Pilipinas ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa Maynila noong 2015 kumpara sa P6 bilyon sa SEA Games.
Iginiit nito na hindi na dapat pang inungkat nina Aquino at Drilon ang usapin hinggil sa kakulangan sa mga silid-aralan bagkus ang isyu na ito ay lumala pa noong nakalipas na administrasyon nang sinimulang ipatupad ang K-12 program.
Ang pahayag ni Cayetano ay matapos batikusin nina Aquino at Drilon na masyadong mahal ang P50 milyong ginastos ng Duterte administration para sa pagtayo lamang ng isang cauldron, na maari sanang gamitin sa pagpapatayo naman ng 50 na silid-aralan.
Pinuna rin ng House Speaker ang patuloy na pagbatikos ng mga lider ng oposisyon sa kabila ng apela na magkaroon muna ng cease fire.