Bangayan sa kaldero, dapat nang ihinto – Rep. Barzaga
Nanawagan si Dasmariñas City Rep. Elidio Barzaga na itigil na ang sagutan ng mga pulitiko hinggil sa nalalapit na 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Ayon sa kongresista, suporta ang kailangan ng mga Filipinong atleta at hindi batuhan ng kanya-kanyang alegasyon.
Dapat aniyang isantabi na muna ang isyu sa cauldron o “kaldero” na sinabi na ni Pangulong Rodrigo Duterte na “work of art” na hindi matutumbasan ng eksaktong halaga ng pera.
Sa halip, hinimok nito ang gobyerno at mga mambabatas na taasan ang cash incentives sa mga mananalong manlalaro.
Napag-alaman, ani Barzaga na ang kasalukuyang incentives para sa gold medalists sa SEA Games ay P300,000; P150,000 para sa silver medalists; at P60,000 para sa bronze medalists.
Mas mababa ito kumpara sa ibinibigay sa mga nananalo sa Asian Game at Olympics.
Napakaliit aniya ng incentives para sa SEA Games medalists gayung ginastusan ng P9.5 bilyon ang pasilidad sa New Clark City at P7.5 bilyon sa hosting ng Pilipinas sa nasabing sports event.
Kaya naman mungkahi nito, itaas sa P1 milyon ang matatanggap ng gold medalists; P500,000 para sa silver medalists; at P300,000 para sa bronze medalists.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.