Binaril sa ulo si Eduardo Magtalas, 58 taong gulang, habang siya ay natutulog sa kaniyang lugawan sa inuupahan niyang puwesto.
Agad na tumakas ang suspek pagkatapos barilin si Magtalas.
Ayon sa hepe ng Caloocan City police na si Sr. Supt. Bartolome Bustamante, kilala si Magtalas na masugid na taga-sulong ng kampanya laban sa iligal na droga.
Aktibo rin ani Bustamante si Magtalas sa pagre-report at pagmo-monitor ng mga kalakalan ng droga at taga-bigay ng impormasyon sa mga otoridad kung sinu-sino ang mga hinihinalang adik sa kanilang lugar.
Ang nasabing adbokasiya laban sa iligal na droga na rin ang pangunahing motibong tinitingnan ng mga pulis sa pagpatay sa kaniya.
Bukod dito, kasama rin sa posibleng motibo ang pulitika, ngutnit mas nakatitiyak ang pulisya ang tungkol sa iligal na droga.
Naglunsad na ng manhunt ang Caloocan police para maaresto ang tumakas na suspek.
Kilala ang Bagong Silang na isa sa mga lugar sa lungsod na pinagtutuunan ng pansin sa mga drug clearing operations.