Bagyong #SarahPH lumakas at bumilis pa, papaliko na ang pagkilos
Lumakas at bumilis pa ang Tropical Storm Sarah habang kumikilos sa Silangan ng Cagayan.
Ayon sa 11pm severe weather bulletin ng PAGASA, huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 440 kilometro Silangan Hilagang-Silangan ng Tuguegarao City, Cagayan o 430 km Silangan ng Aparri, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 75 km bawat oras malapit sa gitna at pagbugsong aabot sa 90 km kada oras.
Kumikilos ito sa bilis na 35 km kada oras sa direksyong Hilagang-Kanluran.
Bagama’t ‘recurving’ o papaliko ang kilos ng bagyo, hindi inaalis ng PAGASA ang posibilidad na tumama sa Batanes o Babuyan area ang bagyo.
Nakataas ang signal no. 1 sa Batanes at northeastern portion of Cagayan (Calayan, Aparri, Camalaniugan, Buguey, Santa Teresita, Gonzaga, Santa Ana, Lal-lo at Gattaran) kasama ang Babuyan Islands.
Inaasahan ang mahina hanggang katamtamang na minsan ay may kalakasang mga pag-ulan sa Cagayan at Isabela.
Mahina hanggang katamtaman na pag-ulan naman ang mararanasan sa natitirang bahagi ng Cagayan at Isabela, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province at Ifugao.
Samantala ang low pressure area (LPA) naman na dating ang Bagyong Ramon ay huling namataan sa bisinidad ng Capas, Tarlac.
Magdadala pa rin ito ng mahina hanggang katamtamang mga pag-ulan ngayong araw ng Huwebes.
Nakataas ngayon ang gale warning at ipinagbabawal ang paglalayag sa mga baybaying dagat sa mga lugar na nasa signal no. 1 sa mga baybaying dagat ng:
– Zambales
– Bataan
– Occidental Mindoro
– Palawan
– Northern Aurora
– Eastern seaboard ng Isabela
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.