Tuluyan nang humina ang Bagyong “Ramon” at isa na lamang itong low pressure area (LPA), Miyerkules ng hapon.
Batay sa severe weather bulletin ng PAGASA bandang 5:00 ng hapon, naging LPA ang sama ng panahon dakong 2:00 ng hapon.
Huli itong namataan sa bisinidad ng Carranglan, Nueva Ecija bandang 4:00 ng hapon.
Dahil dito, inialis na ang Tropical Cyclone Wind Signal sa anumang lugar sa bansa.
Gayunman, magiging masungit pa rin ang panahon sa nalalabing bahagi ng Northern Luzon dulot ng Northeast Monsoon o Amihan.
Miyerkules ng gabi, asahang iiral ang mahina hanggang katamtaman na kung minsan ay malakas na pag-ulan sa Batanes, Cagayan kabilang ang Babuyan Islands, Apayao at northern portion ng Ilocos Norte.
Mahina hanggang katamtaman na pakana-kanang pag-ulan naman ang mararanasan sa Ilocos Sur, Abra, Kalinga, Mt. Province, Ifugao, Isabela, La Union, Benguet, Nueva Vizcaya at nalalabing bahagi ng Ilocos Norte.
Sinabi ng PAGASA na mapanganib pa ring pumalaot ang mga sasakyang-pandagat sa seaboards ng Northern at Central Luzon at western seaboard ng Southern Luzon bunsod naman ng Tropical Storm “Sarah” at Amihan.