BREAKING: DOH, kinumpirma ang 3 bagong kaso ng polio sa bansa
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang tatlong bagong kaso ng poliovirus sa bansa.
Ayon sa kagawaran, ang tatlong bagong kaso ng nasabing sakit ay mula sa Mindanao region.
Lumabas sa isinagawang pagsusuri ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at National Institute of Infectious Diseases – Japan na positibo ang tatlong sample sa polio.
Sinabi ng DOH na hindi nabakunahan ang dalawang kaso habang kulang naman ang nabigay na dose sa ikatlong kaso.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, hindi katanggap-tanggap na mas maraming bata ang nagiging biktima ng vaccine-preventable disease.
Dahil dito, sinabi ni Duque na mas determinado ang kanilang hanay na siguruhing walang bata ang hindi mababakunahan sa susunod na round ng “Sabayang Patak Kontra Polio” sa Metro Manila at Mindanao.
Hindi aniya dapat magpakampante kung nakatanggap lamang ng isa o dalawang dose ang bata kontra sa polio.
Paalala pa ng kalihim, tiniyaking kumpleto ang nakuhang dose ng mga bata para maging protektado mula sa nasabing sakit.
Sa huling round ng Sabayang Patak campaign noong Oktubre, nasa 96 porsyento ang nabigyan ng bakuna sa mga batang may edad hanggang 59 buwan mula sa 17 munisipalidad sa National Capital Region (NCR).
Sa Davao del Sur, nasa 92 porsyento ang nabakunahan sa 10 munisipalidad habang 85 porsyento naman sa 40 munisipalidad sa Lanao del Sur.
Muling hinikayat ni Duque ang mga magulang na bakunahan ang kanilang mga anak mula November 25 hanggang December 7.
Aabot na sa pito ang kabuuang bilang ng polio cases sa bansa sa taong 2019.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.