2 puganteng Chinese na sangkot sa economic crimes, naaresto ng BI

Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang puganteng Chinese national na sangkot sa economic crimes.

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, unang nahuli ng mga operatiba ng BI fugitive search unit (FSU) ang isa sa mga dayuhan na si Chen Yanhua, 56-anyos, sa five-star hotel sa Parañaque City noong November 17.

Aniya, naglabas ng deportation warrant laban kay Chen matapos ipaalam sa ahensya ang kinaroroonan nito at saka nagkasa ng intensive surveillance sa mga aktibidad nito.

Ani Morente, ipapa-deport si Chen dahil sa pagiging pugante at pagiging undocumented alien matapos kanselahin ng Chinese government ang pasaporte nito.

Kabilang na rin si Chen sa blacklist ng ahensya.

Samantala, ayon naman kay Bobby Raquepo, hepe ng BI FSU, naaresto rin ang isa pang Chinese na si Xu Xiaojun, 34-anyos, sa isang restaurant sa Baclaran, Parañaque City.

Wanted si Xu sa China dahil sa umano’y pagkakasangkot sa bank card fraud.

Ani Raquepo, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga otoridad sa China ukol sa kinasasangkutang krimen nito.

Dahil dito, agad aniya silang nagsagawa ng case buildup at humiling ng mission order mula kay Morente laban kay Xu.

Kinansela na rin aniya ng Chinese government ang pasaporte nito dahilan para maging undocumented alien.

Sa ngayon, kapwa nakakulong ang dalawa sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City para sa deportation process.

Read more...