Duterte: Martial law extension sa Mindanao ibabatay sa rekomendasyon ng AFP
Magdedesisyon lamang si Pangulong Duterte ukol sa usapin ng martial law extension sa Mindanao batay sa magiging rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa press conference sa Malacañang, Martes ng gabi, sinabi ng pangulo na ang martial law ay isang bagay na maaari lamang desisyunan ng militar.
“I will leave it up to the military to make the recommendation, martial law is a military thing and it’s their assessment or evaluation of the Mindanao situation,” ani Duterte.
Sa ngayon sinabi ng presidente na wala pang rekomendasyon ang AFP para palawigin ito.
Una nang sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na kung siya ang tatanungin, hindi na niya na irerekomenda pang palawigin ang martial law.
Kung maipapasa lang anya ng Kongreso ang Human Security Act ay magbibigay ito ng ngipin sa local law enforcement.
Mas maganda umano ito sa pagpapatupad ng martial law.
Nasa ilalim ng batas militar ang Mindanao simula May 2017 dahil sa pag-atake ng Maute terror group sa Marawi City.
Una itong napagdesisyunang tumagal lamang ng 60 araw.
Tatlong beses nang humiling si Duterte na palawigin ito.
Mapapaso ang pagpapatupad ng martial law sa December 31, 2019.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.