Sa press conference sa Malacañang, Martes ng gabi, sinabi ni Duterte na ipinatitigil niya ang rice importation dahil panahon ng ani.
Hindi naman sinabi ng pangulo kung kailan magsisimula at magtatapos ang suspensyon.
Iminungkahi ng presidente sa gobyerno na bilhin ang lahat ng palay ng mga Pilipinong magsasaka para may resulta naman ang pinagpaguran ng mga ito.
Partikular na inatasan ang Kongreso na maglaan ng pondo para bilhin ang palay ng mga magsasaka.
“Kung gusto natin wala problema, bilihin lahat ng produce ng farmers. Gagastos tayo bilyon, bilhin natin. Tapos. Palugi tayo para ‘yong mga farmers may resulta sa pawis nila. Sino ang nalugi wala, tayong Pilipino. Bilhin natin yan, ani Duterte.
Pero ayon kay Duterte, hindi sasapat ang suplay ng bigas mula sa local farmers para sa lahat ng Filipino kaya kailangan pa rin talagang mag-angkat ng bigas.
Tiyak anyang gutom ang aabutin ng publiko kapag nagkulang ang bansa sa suplay ng bigas.
“Sigurado gutom ang aabutin, mag-riot ang mga tao. Mamili ka, kung ikaw ang nasa pwesto ko: magutom ang tao o magalit ang mga farmers?” giit ng pangulo.
Una nang umaray ang mga magsasaka sa pagkalugi bunsod ng Rice Tariffication Law na nilagdaan ni Duterte noong February 14, 2019.