Pag-aaralan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) kung paano mareresolba ang mga insidente ng bandalismo sa Maynila.
Sa isang press briefing, sinabi ni NCRPO acting director Brig. Gen. Debold Sinas na gagawa sila ng pag-aaral para makaisip ng maayos na paraan para maiwasan ang paglalagay ng bandalismo sa lungsod.
Nakikipag-ugnayan na aniya sila sa pamahalaang lokal ng Maynila ukol dito.
Bumaba kasi aniya ang moral ng lokal na pamahalaan dahil sa kabila ng mga hakbang para pagandahin at ayusin ang lungsod ay mayroon pa ring mga pasaway na gumagawa nito.
Kasabay nito, hinikayat ni Sinas ang publiko na huwag sirain ang mga pampublikong pag-aari ng lungsod dahil para rin naman aniya ito sa taumbayan.
Martes ng umaga, November 19, boluntaryong naglinis at nagpintura ang ilang estudyante ng Araullo High School para takpan ang mga bandalismo sa pader ng paaralan.